PNP, magpapatupad na rin ng work from home sa kanilang mga non-uniformed personnel na nakatalaga sa Camp Crame

Dahil sa tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa National Capital Region, nagdesisyon na si Philippine National Police Officer-in-Charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar matapos na makipag-usap kay PNP Chief General Debold Sinas na ngayon ay naka-quarantine, dahil nagpositibo sa COVID-19, na ipatupad na rin ang work from home sa mga PNP personnel sa Camp Crame.

Ayon kay Lt. Gen. Eleazar, gagawin ang work from home ng mga non-uniformed personnel na naka-assign sa National Headquarters sa Camp Crame.

Sinabi ni Eleazar na lahat ng heads ng mga offices sa National Headquarters (NHQ) sa Camp Crame ay inabisuhan na gagawing work arrangement para makagawa ng mga pamamaraan upang tuloy-tuloy ang mga administrative works at outputs kahit naka work from home.


Sa ngayon on going naman ang assessment ng PNP kung paano naman maipapatupad ang kahalintulad ng work arrangement sa mga uniformed personnel lalo’t sila ang nakatutok sa regular law enforcement duties lalo na ngayong may ipinatutupad na uniform curfew hours sa Metro Manila.

Pinag-aaralan rin ng pamunuan ng PNP kung itutuloy ba ang face-to-face classes o gawin na munang virtual o online classes para sa mga pulis na may mandatory schooling at training.

Samantala maging ang mga aktibidad sa Camp Crame ay babawasan na rin muna pansamantala partikular ang frontline services at press briefing.

Lilimitahan na rin muna ang mga pagbisita sa mga opisina at quartering units sa NHQ para pa rin mabawasan ang pagkahawa-hawa ng COVID-19.

Mahigpit pa rin ang panawagan ni Eleazar na manatiling sumunod sa minimum health protocols partikular ang pagsusuot ng face mask at face shield at gawin ang physical distancing.

Facebook Comments