Magre-realign ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang mga tauhan kaugnay nang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ito ay makaraang isailalim ang Negros Oriental sa Commission on Elections (Comelec) control.
Ani Acorda, makikipag-ugnayan sila sa komisyon para sa deployment ng mga PNP personnel.
Pero mas pagtutuunan aniya nila ng pansin ang tinaguriang problem areas.
Alinsunod sa Comelec Resolution 10757, maaaring isailalim sa Comelec control ang isang lugar kung may history ito ng intense political rivalry na nagresulta ng karahasan.
Gayundin kapag mayroong presensya ng private armed groups at seryosong banta mula sa mga komunistang grupo.
Nitong Martes, maaalalang napagdesisyunan ng poll body na ituloy ang BSKE sa Negros Oriental sa kabila ng mga panawagang ipagpaliban ang halalan matapos ang karumal-dumal na pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba noong Marso.