PNP, magtatayo ng ikalawang RT-PCR center sa Camp Crame

Panibagong Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) center ang itatayo ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.

Ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pulis na nagiging infected ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, kapag naitayo na ang pangalawang RT-PCR center sa Camp Crame, tataas ang kanilang testing capacity mula sa 450 kada-araw ay magiging 600 kada-araw.


Hindi lang aniya mga pulis ang maaring i-test sa mga RT-PCR center na ito maging ang dependents ng mga pulis.

Inaasahan naman ni Gamboa na sa susunod na buwan ay matatapos na ang itinataying RT-PCR testing facility sa Cebu dahil na rin sa dami ng nga pulis na infected ng virus sa Central Visayas.

Nagpa-plano naman si Gamboa na magtayo rin ng RT-PCR center sa Davao para naman sa mga pulis sa Mindanao.

Batay sa huling datos ng PNP, mayroon nang 2,037 pulis ang positibo sa COVID 19, pero sa bilang na ito 725 ay gumaling na, sampu naman ang namatay na.

Mayroon namang 776 pulis ang probable case at 2,427 pulis ay suspect case ng COVID-19.

Facebook Comments