Siniguro ni Philippine National Police o PNP Chief PGen. Dionardo Carlos na istriktong babantayan ng mga pulis ang mga paaralang pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng limitadong in-person classes.
Ito’y matapos na payagan ng CHED ang mga Higher Educational Institutions (HEIs) sa ilalim ng Alert level 3 na magsimula ng in-person classes sa January 30, at anumang araw para sa kolehiyo at unibersidad na nasa ilalim ng Alert Level 2.
Ayon sa PNP chief, ginagalang nila ang desisyon ng CHED na payagan ang in-person classes, at sisiguraduhin lang ng PNP na nasusunod ang minimum public health standards sa mga nasabing paaralang.
Giit ng PNP chief, may responsibilidad din ang mga paaralan na magbubukas na tiyaking nakakasunod sila sa mga umiiral na health protocols.
Maging ang mga establisyemento sa paligid ng mga paaralan ay dapat aniyang maghanda rin sa inaasahang pagdagsa ng mga estudyante sa lugar.
Kailangan aniyang makipagtulungan sa PNP ang mga private security para makontrol ang dami ng mga tao sa mga lugar na ito.