PNP, mahigpit nang binabantayan ang posibleng protesta kaugnay ng opensiba ng Estados Unidos sa Venezuela

Mahigpit nang binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang United States Embassy sa Maynila at iba pang mahahalagang lugar kaugnay ng posibleng mga protesta kasunod ng opensiba ng US military sa Venezuela.

Matatandaan na naglunsad ang militar ng Estados Unidos ng isang malawakang operasyon na umano’y layong buwagin ang iligal na operasyon ng droga at mga kriminal na ugnayan sa pamahalaan ng Venezuela.

Sa naturang operasyon, hinuli at dinala sa New York si Venezuelan President Nicolas Maduro kasama ang kanyang asawa na si Cilia Flores upang humarap sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda ang kapulisan sa anumang posibleng kilos-protesta at kaugnay na aktibidad.

Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang lahat ng local police units, partikular ang Manila Police District at National Capital Region Police Office, na maging alerto at patuloy na makipag-ugnayan sa mga local government units at barangay officials para sa seguridad ng mga mahahalagang lugar.

Bukod dito, inatasan din niya ang PNP intelligence units na bantayan ang social media at public forums para sa anumang posibleng plano ng protesta.

Facebook Comments