Makikipagpulong ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa alegasyon na hindi sapat ang koordinasyon ng pulisya sa isinagawang raid sa Las Piñas City nitong June 27.
Ayon kay PNP Public Information Officer Chief Police BGen. Red Maranan, makikipag-usap si ACG Director Police BGen. Sydney Hernia kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Layon nitong bigyang linaw ang mga akusasyong kulang sa case build up at basta-basta na lang nagkasa ng operasyon ang PNP-ACG.
Paliwanag ni Maranan, sakop ng mga warrant ang kanilang operasyon at ito’y nagarantiya ng mga hukom base sa surveillance at impormasyon na kanilang nailatag.
Samantala, sinabi pa ni Maranan na handa silang makibahagi sakaling magkaroon ng imbestigasyon ang Senado sa umano’y extortion ng mga pulis sa POGO raid.
Magandang pagkakataon aniya ang pagdinig para mapakinggan ang panig ng pulisya at mabura ang mga pagdududa sa PNP.