Makikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa Senado kaugnay sa pagkahuli sa magkapatid na executive ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay PNP Chief Police Lt. Gen. Dionardo Carlos, bagama’t Senado ang may hurisdiksyon kina Twinkle at Mohit Dargani ay handa silang tumulong sakaling kailanganin sila ng Senado.
Paliwanag niya, ginagalang nila ang Senado at sa ngayon nakaantabay lamang sila sa anumang ipag-uutos nito na pasok sa kanilang mandato.
Matatandaang naaresto ang magkapatid na Dargani sa sa Davao International Airport kahapon habang pasakay ng pribadong eroplano patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang dalawa ay nakakulong na ngayon sa Senado sa Pasay City.
Si Twinkle ang pangulo at si Mohit ang kalihim at treasurer ng Pharmally.
Matatandaang iniimbestigahan ang kanilang kompanya sa Senado dahil sa umano’y maanomalyang kontrata sa pagbili ng mga medical supplies para sa gobyerno.