Makikipag-ugnayan ang Philippine National Police-Information Technology Management Sevice (PNP-ITMS) sa mga developer ng app na nakaka-detect ng mga kriminal sa pamamagitan ng CCTV para magamit ito sa kampanya laban sa krimen.
Inihayag ito ni PLt. Col. Ma. Angela Salaya, ang Project Head ng PNP Hackathon Event kung saan nanalo ng 3rd Place ang naturang app na binansagang “SulyApp” na dinevelop ng mga estudyante ng Technologically Institute of the Philippines (TIP).
Paliwanag ng opisyal, ang Hackathon Event ay paraan ng ITMS para hikayatin ang mga IT expert na ibahagi ang kanilang kaalaman sa PNP para maging mas “technologically advanced” ang PNP sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ngunit nilinaw ni Col. Salaya na wala pang pormal na proposal mula sa mga developer na gamitin ng PNP ang app kaya kakausapin muna nila ang mga ito.
Ang SulyApp na inimbento nina Jarod Augustus Austria, Adrian Galit, Joaquin Tyrone Guevarra, Kathleen Jogno at Franklin Nazareno, ay gumagamit ng artificial intelligence na nakakabasa ng galaw ng katawan ng isang gagawa ng criminal na gawain.
Kapag na-detect na ang isang tao ay kaduda-duda ang tayo o kilos, ilalagay ng SulyApp sa klasipikasyon na emergency ang pangyayari at tutunog ng alarm at saka magpapadala ng email sa pinakamalapit na police desk.