PNP Maritime Group, nakatanggap ng mga bagong kagamitan mula Estados Unidos

Nagkakahalaga ng ₱3-million ang donasyong kagamitan na natanggap ng Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) mula sa Department of State Bureau of International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL).

Binubuo ito ng binoculars, waterproof digital cameras, handheld VHF radios at first aid kits.

Ang mga donasyon ay tinanggap ni PNP-MG Director Police Brigadier General Harold Tuzon mula kay INL Manila Director Kelia Cummins, kasama si INL Maritime Law Enforcement Advisor Mark Everson, sa turnover ceremony sa PNP-MG Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.


Ayon kay Director Cummins, umaasa sila na makakatulong ang mga gamit sa pagpapalakas ng maritime law enforcement activities ng PNP-MG.

Una na ring tumulong ang Estados Unidos sa PNP-MG sa pagtatatag ng Special Operations Units sa Palawan at Tawi-Tawi, at sa pagpapahusay sa underwater crime scene investigations at illegal, unregulated and unreported fishing.

Facebook Comments