Huli ang Chief ng Philippine National Police (PNP) Maritime sa Masbate City at isa nitong tauhan sa isinagawang entrapment operation ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) habang nakatakas ang dalawa pang pulis matapos masangkot sa robbery extortion.
Ayon kay PNP-IMEG Director Brigadier General Ronald Lee, kahapon ng umaga nang isagawa ang entrapment operation sa loob mismo ng 502nd Maritime Police Station Masbate City Office na makikita sa Pier Site ng Barangay Bapor, Masbate City.
Nakilala ang naarestong Chief ng 502nd Maritime Police Station na nakabase sa Masbate City na si Police Major John Murray Cutaran at tauhan nitong si Police Staff Sergeant Rommel Naval.
Habang patuloy na pinaghahanap ang dalawa pang pulis na kinilalang sina Police Lt. Melencio Huela at PSSg. Ronald Puerto.
Sinabi ni Lee, ikinasa ang operasyon laban sa mga pulis matapos makumpirma ang ulat na nanghihingi ng ₱200,000 ang mga nasabing pulis mula sa mga operator ng mga fishing vessel na kanilang nahuhuli dahil umano sa pagkakasangkot sa illegal fishing activities.
Sa ulat ng PNP-IMEG, inaresto ng mga pulis na ito ang isang Juquim Nememo at 28 crew ng F/B RAV dahil sa ilang mga paglabag.
Kinontak umano ng mga pulis na ito ang may-ari ng bangka at hiningian ng ₱400,000 kapalit ng pag-release ng fishing vessel at mga crew ng bangka.
Nahaharap na ngayon ang mga suspek na pulis sa kasong kriminal at administratibo.