Inaasahan na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na muling tataas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at maging sa mga lalawigan.
Pero ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, sapat ang kanilang paghahanda para magpatupad nang mas mahigpit na quarantine protocols.
Simula kahapon, itinaas ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 4 ang mga lugar ng Kalinga, Ifugao, Mountain Province, at Northern Samar dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa ilalim ng Alert Level 4, bawal lumabas ng bahay ang mga may edad 18 taong gulang pababa at 65 anyos pataas, maging ang mga may comorbidities at buntis.
Bukod dito, may ilan pang mga pagbabawal katulad ng paglimita sa pagtungo sa restaurants at iba pang business establishments.
Umaasa naman ang PNP na agad maglalabas ng order ang mga apektadong Local Government Units para agad nilang maipatupad.