Hindi naman nagpapabaya ang Manila Police District (MPD) sa pagpapatupad ng seguridad sa lungsod.
Ito ang tugon ni Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo matapos makausap si Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay ang Director ng MPD makaraang lumabas ang Forbes Advisory kung saan kasama ang Maynila sa tinaguriang “riskiest cities” for foreign tourists.
Sa katunayan ani Fajardo, pinaigting ng Pambansang Pulisya ang seguridad hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa.
Bagama’t aminado na mayroong mga krimeng naitatala sa Maynila, sinisiguro naman ng pulisya na kanilang nahuhuli at napapanagot ang mga salarin.
Nais ding makita ng PNP ang ginawang basehan ng survey at kailan ito isinagawa para mapag-aralan.
Magkagayunman, magiging daan aniya ito sa PNP para mas lalo pang pag-igihin ang trabaho at mas lalong paghusayin ang pagbibigay ng kaayusan at seguridad sa bansa.
Sa naturang survey nasa pang limang pwesto ang Maynila kung saan pang 9 din pagdating sa crime risk, panglima pagdating sa personal security risk, pangpito sa health security risk, pangsyam sa infrastructure security risk, at panglabindalawa pagdating sa digital security risk.
Kasama ng Maynila sa top five riskiest cities ay Lagos, Nigeria; Yangon, Myanmar; Karachi, Pakistan at Caracas, Venezuela.