PNP, mas pinaiigting pa ang pagsasagawa ng mga checkpoint ngayong nalalapit na ang eleksyon

Mas paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng mga checkpoint sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na 2025 national at local elections.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, inatasan na niya ang Highway Patrol Group (HPG) na makiisa sa mga checkpoint upang matiyak na patas ang inspeksyon sa parehong motorsiklo at apat-na gulong na sasakyan.

Ani Marbil, dapat magkaroon ng random check ang mga 4-wheeler vehicles para hindi magdulot ng matinding trapiko kasabay nang pagtitiyak na nasusunod ang batas at karapatang pantao.

Sa ilalim ng PNP policy, tanging plain view inspection lamang ang maaaring gawin sa mga dumadaang sasakyan, ngunit ang mga nagmomotorsiklo ay kailangang buksan ang kanilang glove compartment para sa karagdagang inspeksyon.

Ang mas pinaigting na checkpoint ay isa ring tugon sa naganap na road rage shooting sa Antipolo City kamakailan, kung saan isang motorcycle rider ang napatay habang tatlong iba pa ang sugatan.

Facebook Comments