PNP, may alok na Libreng Sakay kasunod ng ikakasang unity walk ng grupong pabor sa PUV modernization program

May hatid na libreng sakay ang Philippine National Police (PNP) sa mga commuters na mai-stranded ngayong araw.

Kasunod ito nang ikakasang unity walk ng grupong pabor sa PUV modernization program (PUVMP).

Ito’y makaraan ang resolusyon ng Senado na naglalayong suspendihin ang pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program.


Ayon kay Philippine National Police Public Affairs Office Chief Colonel Jean Fajardo, maliban sa kanilang regular security coverage sa gagawing unity walk, maglalabas din ang PNP ng mobile patrols at mobility assets kung kinakailangan.

Nakiusap naman ang PNP sa mga magsasagawa ng programa na huwag i-harass ang mga kapwa tsuper nilang hindi lalahok sa programa.

Samantala, may ilalagay din na border control at checkpoint ang PNP para matiyak na magiging mapayapa ang mga isasagawang pagkilos ngayong araw.

Facebook Comments