Mayroon nang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring pananambang sa 2 pulis sa Maguindanao del Sur noong nakalipas na linggo.
Bagama’t tumanggi si PNP Public Information Office (PIO) Chief PBgen. Red Maranan na tukuyin ito at kung ilan ang mga itinuturing na persons of interest ay maganda naman aniya ang development sa kaso at patuloy ang pagtugis ng Police Regional Office ng Bangsamoro (PRO-BAR) sa mga nasa likod ng krimen.
Ayon kay Maranan, matapos ang insidente, isinailalim sa full alert status ang PRO-BAR.
Pinaigting din nila ang police visibility sa lalawigan kasama na ang mahigpit na checkpoint, chokepoint, pagpapatrolya at maging ang intelligence gathering.
Una nang kinokondena ng PNP ang krimen kasabay ng pagtitiyak na sisikapin nilang makamit ang hustisya para sa naulilang pamilya ng mga biktima na sina Patrolman Saiponden Shiek Macacuna at Patrolman Bryan Polayagan.
Nabatid na maliban sa 2 pulis na nasawi, sugatan din sa pananambang ang 4 na pulis.