Mahigpit ang paalala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa mga magulang na bibiyahe ngayong Holy Week na huwag iwan sa loob ng sasakyan ang kanilang mga anak.
Ginawa ni Acorda ang pahayag kasunod na rin ng pagkasawi ng dalawang paslit na kinapos ng hininga habang sila’y naglalaro sa loob ng sasakyan sa Angeles City, Pampanga noong isang linggo.
Ayon kay Acorda, kung hindi maiiwasan na iwanan ang mga anak, mabuting iwanang bukas ang bintana ng sasakyan at mas mainam na may kasama ang mga bata.
Ani Acorda, lubhang napakadelikado lalo na sa mga paslit kung hindi sila mabibigyan ng tamang bentilasyon na posibleng mauwi sa kamatayan.
Maliban dito, pinayuhan din ni Acorda ang mga magbabakasyon na tiyaking naka kandado ang kanilang mga tahanan, nakahugot ang lahat ng appliances at ibilin ito sa pinagkakatiwalaang kapitbahay.