PNP, may POI na sa mag-asawang pinatay sa Pampanga

Tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang Persons of Interest (POI) sa pagpatay sa mag-asawang online seller habang sakay ng kanilang pick-up truck sa Mexico, Pampanga nitong Oct.4, 2024.

Ayon kay Philippine National Police – Public Information Office o PNP-PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, mayroon na rin silang hawak na testigo na nakapagturo sa backrider na siyang bumaril at pumatay sa babaeng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, mayroong kinatagpo ang mag-asawa sa isang mall sa Pampanga na kanila umanong business partner.


Habang patungo ang mga biktima sa Mexico, Pampanga, doon na sila pinagbabaril ng riding in tandem na suspek.

Ayon sa mga saksi at base sa mga nakalap na CCTV footage ng pulisya, sinundan ang sasakyan ng mga biktima mula Angeles, Pampanga.

Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril ang lalakeng biktima sa kanyang kili-kili at lumabas sa dibdib habang ang babaeng biktima naman ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang braso at isa sa kanyang kili-kili kung saan parehong Cal.45 ang ginamit sa mga biktima.

Maswerte namang nakaligtas ang anak ng biktima na anim na taong gulang at pamangkin na 14 na taong gulang.

Tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen ang negosyo at personal na away.

Sa ngayon, mayroon nang binuong special investigation task group na siyang tututok sa imbestigasyon ng kaso.

Facebook Comments