PNP, may sapat na tauhan para tiyakin ang seguridad ng pagbisita sa bansa ni Indonesian President Joko Widodo kasabay ng pista ng itim na Nazareno bukas

Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may sapat silang tauhan para tutukan ang dalawang mahahalagang okasyon sa bansa ngayong buwan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo ito ay kasunod nang isasagawang Traslacion ng Itim na Nazareno at ang pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo bukas, Enero 9.

Ani Fajardo, kapwa may nakalatag na silang security template para sa dalawang magkasabay na okasyon kaya’t mabilis na nila itong naikasa at napagplanuhan ng mas maaga.


Bagama’t ang punong abala sa latag ng seguridad para sa pagbisita ng Pangulo ng Indonesia ay ang Presidential Security Group o PSG hindi pa rin naman mawawala ang kanilang presensya lalo’t bahagi pa rin ito ng kanilang plano.

Kasabay nito, muling tiniyak ni Fajardo sa publiko na mananatiling nakatutok ang buong puwersa ng pulisya katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang force multipliers.

Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mananatili ang full alert status hanggang sa Enero 10.

Facebook Comments