Mayroon nang magandang itinatakbo ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, may update na sila sa imbestigasyon na ginagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Pero tumanggi muna itong ilahad sa publiko dahil sa araw na ito ay haharap muna sila kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año para sa case briefing.
Tiniyak naman ni PNP Chief na susunod sila sa itinakdang 30 araw na deadline ng Malacañang para makapaglabas ng resulta ng imbestigasyon kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Una nang nangako ang PNP nitong nakaraang linggo na magsasampa sila ng kaso laban sa mga security personnel ng Manila Arena hinggil sa pagkawala ng anim na sabungero pero naantala ito.
Maging ang pagdinig ng Senado kaugnay rito ay sinuspinde para bigyang-daan ang imbestigasyon ng NBI at PNP.