May itinuturing nang ‘persons of interest’ ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa atleta at air force man na si Mervin Guarte.
Sa impormasyon ni Calapan City Police Chief Lt Col. Roden Fulache sa Kampo Krame, sinabi nitong may mga nakainuman pa ang biktima isang gabi bago siya sinaksak sa Calapan city, Oriental Mindoro kaninang alas-4:30 ng umaga.
Aniya, taga-Batangas ang biktima at nagtungo lamang sa lugar dahil sa kaibigang konsehal.
Ani Fulache, natutulog lamang noon si Guarte sa bahay ng kanyang kaibigan nang may isang lalaking pumasok at pinagsasaksak ito sa dibdib, nakatawag pa ng tulong si Guarte at nagawa pang isugod sa ospital pero kalauna’y binawian din ng buhay.
Si Guarte ay myembro ng Philippine Air Force (PAF) at nakadestino sa Fernando Airbase, Lipa Batangas.
Ang 32-anyos na si Guarte ay kampeon ng 2024 Spartan Asia Pacific; SEA Games Gold medalist at SEA Games Silver medalist national record holder.