PNP media vanguards para sa gaganaping eleksyon sa Mayo, nagpulong na

Isinagawa kaninang umaga ang unang pagpupulong ng “media vanguards” na sisiguro sa seguridad ng mga mamahayag ngayong panahon ng eleksyon.

Ang virtual na pagpupupulong ay pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kasama si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Joel C. Egco.

Kasama sa unang batch ng virtual meeting ang Regional Public Information Officers (PIO) ng PNP mula sa Police Regional Office (PRO) 1, 2, 3 at Cordillera at kani-kanilang mga local PNP Press Corps.


Ayon kay Alba, ang National PNP Press Corps sa Camp Crame ay kasama sa ikalawang batch ng virtual meeting na lalahukan naman ng mga Regional PIO ng PRO 4A, 4B, 5, NCRPO at Metro Manila Police Districts.

Matatandaan na itinalaga ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos ang 133 PIOs ng PNP sa buong bansa, sa pangunguna ni PBGen. Alba, bilang focal persons, para maging sumbungan ng mga isyu sa seguridad ng mga miyembro ng media na magko-cover sa 2022 national at local election.

Facebook Comments