Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mapapanagot sa kamay ng batas ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa menor de edad na biktima ng mistaken identity sa Navotas City.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, tuloy-tuloy ang pagdidisiplina ng PNP sa mga pulis tulad na lang ng mga nauna nang naalis sa serbisyo kung kaya’t makakaasa ang publiko na hindi bibigyan ng special treatment ang 6 na pulis.
Paliwanag ni Fajardo, mismong si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na ang nangako na pabibilisin ng PNP ang pagresolba ng administrative cases para bigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima na si Jemboy Baltazar.
Kasunod nito, nagbabala si Fajardo sa ibang mga pulis na dapat lagi nilang isapuso ang mga probisyon ng Police Operational Procedure para hindi humantong sa mga ganitong klase ng insidente.
Matatandaang sinabi kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na nababahala na siya sa sunod-sunod na kontrobersya na kinasasangkutan ng mga pulis at nais niyang ipa- review ang Police Operational Procedure ng PNP.