Nananawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga kabataan na suriing maigi ang mga sasalihang organisasyon o sasamahang mga kaibigan.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo kasunod ng pagkasawi ni Ahldryn Bravante, 4th year Criminology student na pinakabagong biktima ng hazing ng Tau Gamma Phi fraternity.
Ayon kay Fajardo, labis nilang ikinalulungkot na may nalagas na namang buhay bunga ng karahasan sa ilalim ng umano’y “kapatiran” kung saan, pawang mga kabataan din ang sangkot.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District, nagtamo ng hindi baba sa 60 palo ng paddle si Bravante na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa kasalukuyan, tukoy na ng QCPD ang 10 nasa likod ng krimen kung saan, 6 pa sa mga ito ang pinaghahanap ngunit posible pang madagdagan at umabot pa sa 20.