Hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko lalo na ang mga nakatira sa National Capital Region (NCR), at mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna, at Bulacan na manatili sa mga bahay ngayong muling umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, iniutos na niya sa lahat ng Police Commanders ang mahigpit na pagpapatupad ng MECQ sa pamamagitan ng paglalagay ng mas maraming community checkpoints.
Sinabi ni PNP Chief na mula ngayong araw hanggang sa August 18 kung saan umiiral ang MECQ ay tinitiyak niya na gagawin lahat ng mga police frontliners ang mas mahigpit na checkpoints operations para mas mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Kaya naman umaapela si Gamboa sa mga nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ na manatili sa bahay, ito ay bilang tulong sa mga medical frontliner, police frontliner, at mga tanod at tauhan ng barangay na halos limang buwan nang nakikipagbuno sa pandemya.
Batay sa MECQ guidelines, ang mga papayagan lang lumabas ng bahay ay ang mga bibili ng mga pangunahing pangangailangan at mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) bitbit ang kanilang mga quarantine pass.