Manila, Philippines – Sa kabila ng mga kritisismo, nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang kanilang anti-drug operation sa Caloocan kung saan napatay ang 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos.
Ayon kay North Police District Director Robert Fajardo – totoong drug runner sa lugar si Kian kung saan umaabot sa 10 gramo ng shabu ang naidi-deliver niya kada araw.
Dagdag pa ni Fajardo, kahit wala sa drug watch list, kilala raw na ‘pusher’ si Kian sa kanilang barangay.
Sa interview naman ng RMN kahapon, mariing itinanggi ni NCRPO Director Chief Oscar Albayalde ang bali-balitang may “quota system” ang mga pulis sa kanilang war on drugs.
Samantala, inutusan na rin ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na imbestigahan ang pagpatay kay Kian.
Aniya, naniniwala siyang lehitimo ang operasyon pero aminadong dismayado sa outcome.