Siniguro muli ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang kahandaan ng Philippine National Police sa pagtiyak ng seguridad sa darating na halalan.
Ang pagtiyak ay ginawa ng PNP Chief kahapon kasabay ng pagdedeploy ng mga kagamitan na gagamitin para sa security operations sa eleksyon.
Ang mga kagamitan na binubuo ng mga sasakyan, gamit pang komunikasyon at iba pang kailangan ng mga pulis na naka-assign sa field ay para masiguro ang patas, ligtas, makatotohanan, at mapayapang halalan.
Anya doble-kayod ngayon ang mga pulis para masiguro ang seguridad ng mga polling centers, habang papalapit na ang araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Dagdag ni PNP Chief titiyakin niya na may sapat na tauhang naka-deploy sa mga polling centers hindi lang para sa seguridad, kundi para din sa pagtiyak na nasusunod ang mga health protocols.