
Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa preemptive evacuation ng mga residenteng maaapektuhan ng Bagyong Ada.
Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nag-deploy na ang ahensiya ng sapat na bilang ng mga personnel sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng bagyo, kabilang na ang probinsya ng Albay.
Aniya, posibleng maganap ang pagragasa ng lahar sa lugar dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Bukod sa inaasahang pagdating ng bagyo, patuloy ring binabantayan ng mga residente sa Bicol Region ang aktibidad ng nasabing bulkan.
Dahil dito, inatasan ang mga concerned police units na makipag-ugnayan sa mga local disaster risk reduction and management offices para sa mas maayos na paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Ada.
Ayon pa kay Nartatez, nakahanda rin ang mga search and rescue assets ng PNP sakaling kailanganin ang agarang responde.
Samantala, hinimok ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag, patuloy na mag-monitor ng lagay ng panahon, at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.










