
Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kaibigan at mga kasamahan sa negosyo ni Charlie “Atong” Ang na tutulong sa nasabing negosyante, habang pinapalawig ang pagbabantay ng mga tracker at intelligence teams ng ahensiya sa mga backdoor exit na posibleng puntahan ni Ang upang makalabas ng bansa.
Isinagawa ang babala matapos asahan ng mga otoridad na gagamitin ni Ang ang lahat ng koneksyon at yaman nito upang maiwasan ang kanyang pagkakaaresto.
Bukod sa pagbabantay sa mga backdoor exit, palalawigin pa ng ahensiya ang isinasagawang manhunt sa tulong ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) sakaling ito ay tumakas.
Matatandaang una nang ni-revoke ang mga lisensya ng baril ni Ang bilang bahagi ng kanyang pagkakaaresto kaugnay ng kaso ng mga missing sabungero.
Samantala, nagbabala rin si Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa sinumang magbibigay ng maling impormasyon patungkol sa kinaroroonan ni Ang, kung saan may kaakibat na kriminal na pananagutan.
Bukod dito, nagbabala rin si Nartatez sa mga security agency na magbibigay ng anumang uri ng tulong, gaya ng pagbibigay ng bodyguard o security escort, na may kaakibat ding kaukulang parusa bukod pa sa kasong kriminal.










