Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga unipormadong tauhan nito na agad ginagamit ang kanilang service firearms sa paghabol ng mga kriminal.
Ito ay kasunod ng insidente sa Pampanga kung saan pinatay ng isang pulis ang isang sibilyan na napagkamalang suspect sa isang robbery case.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, gagagamitin lamang ang baril kapag mayroong imminent threat o banta sa buhay ng pulis.
Iginiit ni Sinas na hindi dapat pinapaputok ang baril sa kung sinu-sino.
Matatandaang nakasakay ng motorsiklo ang biktimang si Federico Pineda Jr. para sunduin ang isang kamag-anak sa Barangay San Matian nang pinahihinto siya ni Corporal Eframe Ramirez, pero hindi sumunod si Pineda.
Noong panahong iyon, may hinahabol si Ramirez na isang robbery suspect at napagkamalan si Pineda na kanyang tinutugis na salarin.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng Police Regional Office 3 ang kaso kung saan dinisarmahan na si Ramirez at kinasuhan ng homicide.
Karagdagang criminal case na illegal discharge of firearms ang inihahain laban kay Ramirez.