Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa modus operandi ng ilang grupo na nagbebenta ng swab test result kahit walang aktwal na RT-PCR test.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ginawa ng PNP ang babala matapos na mahuli ang tatlong indibidwal sa Quezon City matapos mag-isyu ng pekeng COVID-19 test results.
Nagbayad daw ang nagreklamong biktima ng P16,000 pero kalauna’y natukoy na peke pala ang resulta.
Ang COVID-19 test results ay may logo ng Philippine Red Cross (PRC).
Sinabi ni PNP chief, hindi biro ang krimen na pamemeke ng RT-PCR results lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya.
Nakasalalay aniya sa mga test result na ito ang kaligtasan at kalusugan ng publiko laban sa COVID-19.
Sa ngayon, nakakulong na ang mga suspek sa Quezon City Police District Station pero patuloy na hindi umaamin sa kanilang ginawa.