Nagbigay ng babala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko kaugnay sa mga investment scam na gumagamit ng cryptocurrency.
Ito ay matapos na maaresto ng PNP ang 19 na indibidwal na suspek sa paghikayat sa mga biktima na mag-invest sa isang hindi rehistradong kompanya sa pamamagitan ng cryptocurrency.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Rhoderick Augustus Alba nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng PNP Cyber Response Unit kasama ang mga tauhan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team at Securities and Exchange Commission (SEC) sa isang hotel sa Cubao Quezon City.
Sa operasyon, naaresto ang 19 na indibidwal na inireklamo ng mga biktima.
Nahaharap na ngayon sa patong-patong na kasong kriminal ang mga naarestong suspek.
Paalala naman ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang publiko na huwag maniniwala sa mga alok na investment na may mabilis at malaking kita dahil sa malamang ito ay scam.
Paaala ni Danao na kung mag-i-invest alamin kung lehitimo at rehistrado sa SEC ang isang investment company.