Kasunod nang nalalapit na panahon ng Kapaskuhan.
Muling nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging maingat dahil sa mga nagsusulputang mga modus ng kawatan.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, kadalasang tumataas ang kaso ng robbery at theft tuwing holiday season.
Kabilang sa mga modus na ito ay ang laglag barya, basag-kotse gayundin ang paglipana ng mga pekeng pera.
Kaya naman mahigpit ang paalala ng PNP sa publiko na gawin ang ibayong pag-iingat at kung maaari ay magdala lamang ng sapat na perang ipambibili ng mga pangangailangan para sa okasyon.
Payo rin ng PNP, huwag nang magsuot pa ng mamahaling alahas o ilabas at i-display ang mga kagamitang mainit sa mata ng mga magnanakaw.
Una nang inatasan ni PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga kawani ng PNP na paigtingin pa ang police visibility sa mga matataong lugar.