PNP, nagdeklara na rin ng suspension of offensive police operations laban sa CPP-NPA

Epektibo na rin ang Suspension of Offensive Police Operations (SOPO) laban sa CPP-NPA-NDF ng  Philippine National Police (PNP) mula hatinggabi kagabi hanggang April 15.

Sa isang statement sinabi ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na ito ay bilang pagsunod  sa idineklarang unilateral ceasefire ng Pangulo sa pagitan ng CPP-NPA – NDF kagabi.

Aniya lahat ng national, regional, provincial at district police maneuver units na may kinalaman sa internal security operations ay inilagay sa “defensive posture” at “disaster response at public safety mode”.


Magagamit na aniya ngayon ang mga Unit na ito sa pag-alalay sa publiko kaugnay  sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon laban sa COVID-19.

Pero, inabisuhan ni General Gamboa ang mga pulis na manatiling mapagbantay sa possibleng pag-atake ng mga “armed threat groups” at gamitin ang “appropriate police response” bilang pangontra dito, alinsunod sa Police operational procedures.

Istrikto aniyang imomonitor ng PNP Command Center ang pagtupad ng mga police units sa SOPO.

Umaasa naman si General Gamboa na susuklian ng CPP-NPA ang “gesture of good faith” ng gobyerno para sa kapakanan ng  mamayan sa gitna ng banta ng COVID-19.

Facebook Comments