PNP, naghahanda na para sa milyon-milyong Pilipinong inaasahang babyahe pabalik sa kanilang mga tahanan mula sa mahabang bakasyon

Naghahanda na at nananatiling naka-alerto ang Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad ng milyon-milyong Pilipino na inaasahang babyahe na pabalik sa kanilang mga tahanan mula sa mahabang bakasyon.

Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.,parte ng kanilang security plan ang kanilang paghahanda kung saan inatasan nito ang mga personnel na iparamdam ang presensya ng kapulisan sa mga estasyon ng bus at sa iba pang nga transport hubs lalo na sa Metro Manila at mga urban areas.

Ayon pa kay Nartatez, inatasan na rin nya ang mga territorial police force at ang Highway Patrol Group (HPG) para sa karagdagang police visibility sa mga ma-traffic na highway at pangunahing lansangan na nagsisilbing entry point patungo sa mga urban area kagaya na lamang ng North Luzon at South Luzon Expressway.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na daloy ng mga sasakyan dahil na rin sa inaasahang pagdagsa nito.

Bukod rito ay ang pagsasagawa ng inspeksyon at iba pang road safety measures para sa mga pampasaherong bus at iba pang pampublikong sasakyan.

Ayon pa kay Nartatez, ang mabisang paraan para maiwasan ang road rage ay planuhin ang byahe ng maigi at habaan ang pasensya dahil walang maidudulot na maganda kung paiiralin ang init ng ulo sa kalsada.

Facebook Comments