PNP, naghigpit ng seguridad sa Lamitan, Basilan

Kasunod nang nangyaring pamamaslang sa ama ni Dr. Chao Tiao Yumol na sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Manila University, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Vicente Danao Jr. na hinigpitan na nila ang seguridad ngayon sa Lamitan City, Basilan.

Ayon kay Gen. Danao, agad tumalima ang Pambansang Pulisya sa kautusan ni Interior Secretary Benhur Abalos na higpitan ang border control sa Lamitan upang maiwasan ang posibleng pagtakas ng nasa likod ng krimen.

Aniya, mayroon ng mga nakakalat na PNP personnel sa mga itinalagang checkpoint.


Binigyang-diin pa ni Danao ang kahalagahan sa pagkaka-aresto ng suspek upang makapagsagawa sila ng malalimang imbestigasyon.

Pero paliwanag ng opisyal, kinakailangan ng matitibay na ebidensya upang ma-establish ang motibo sa pagpatay kay Rolando Yumol.

Kasunod nito, humihingi ng kooperasyon ang PNP sa publiko na agad ipagbigay alam sa kanila kung mayroong kahina hinalang indibidwal sa kanilang komunidad.

Si Rolando Yumol ay nasawi matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng kanilang bahay sa Claret lane sa Lamitan City, Basilan, ilang araw pagkatapos barilin ng kanyang anak na si Dr. Chao Tiao ang dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Mayor Rose Furigay kung saan nadamay at nasawi rin ang isa nitong aide at isang security guard sa Ateneo de Manila University noong Linggo.

Facebook Comments