Hinihintay lang ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang malinaw na utos kaugnay sa pagkakaroon na barangay health pass ng mga hindi bakunado kontra COVID-19.
Ito ay sa harap na rin nang ipinatutupad na “No vaccination, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr) dahil pa rin sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, nais nilang malaman ang specific guidelines sa paggamit ng health pass ng mga hindi bakunadong pasahero.
Para sa kaniya, isa itong epektibong sistema para ma-justify ang paglabas at pagsakay sa pampublikong sasakyan ng mga hindi bakunadong indibidwal para bumili ng essential goods o hindi kaya ay mag-avail ng essential services.
Pero dapat aniyang may malinaw na instruction sa pagpapatupad nito para hindi malito ang mga pulis.
Kaugnay nito, inhayag ni PNP chief na marami na silang natatangap na reports kaugnay sa pamemeke ng vaccination cards simula nang ipatupad ang “No vaccination, No ride” Policy kaya kailangan aniyang may malinaw na guidelines para dito.
Sa huli, tiniyak ni Carlos na susunod lamang sila sa kung ano ang mga bagong patakarang ipag-uutos para mas maging maayos ang enforcement.