PNP, naghihintay pa rin ng panibagong batch ng COVID-19 vaccine para sa A4 category

Wala pang panibagong supply ng COVID-19 vaccine ang Philippine National Police (PNP) para sa mga nasa listahan ng A4 kung saan kabilang na si PNP Chief General Guillermo Eleazar at PNP command group.

Ayon kay PNP Chief, sa ngayon nakahanda lamang ang PNP para sa pagsisimula ng bakunahan sa mga A4 category.

Inatasan niya na rin ang kaniyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) para matukoy kung may nakalaang bakuna sa mga pulis at agad magpabakuna at huwag nang hintayin ang panibagong supply na darating sa PNP.


Sinabi pa ni Eleazar na hindi mamimili ng brand ang COVID-19 vaccine ang PNP dahil naniniwala sila sa mga health expert na lahat ng brand ng vaccine ay ligtas at epektibo.

Sa ngayon, batay sa datos ng PNP, mayroon nang 16,646 na mga pulis ang nabakuhanan na, 11,167 dito ay nakumpleto na ang kanilang vaccination habang ang iba ay naghihintay ng schedule para sa kanilang second dose.

Facebook Comments