Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang lahat ng mga kandidato sa eleksyon na bawal ang pangangampanya sa April 14, Holy Thursday at April 15, Good Friday.
Ito ay batay sa calendar of activities na ipinasa ng Commission on Elections (COMELEC).
Istrikto aniyang babantayan ng mga pulis ang mga aktibidad sa mga pampublikong lugar sa mga nabanggit na mga araw, at ang mga politiko o kanilang mga supporter na mahuling lumabag ay ire-report sa COMELEC.
Ang paalala ay ginawa ng PNP chief kasabay ng paghahanda ng PNP para sa darating na Semana Santa.
Una nang bilin ni PNP chief sa lahat ng field commanders na tiyakin ang police visibility at paglalagay ng police assistance centers sa mga lugar na tradisyunal na dinadagsa ng tao sa panahong ito, partikular sa transportation hubs at sa major highways patungo sa mga lalawigan.