Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga kandidato sa halalan na i-coordinate nang maayos ang kanilang mga aktibidad sa PNP para mabigyan sila ng maayos na seguridad.
Ang paalala ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kasunod ng insidente ng pagpapaputok ng baril kahapon ng mga security guard ng isang pribadong plantasyon sa Quezon, Bukidnon nang magtangkang pumasok ang grupo ng mga katutubo na kasama umano sa pagtitipon ni presidential candidate na si Ka Leody De Guzman.
Ayon kay Gen. Alba, hindi naman ipinagbabawal ang area security lalo na sa identified high-risk zone.
Ang ipinagbabawal batay na rin sa election code ay mag-hire ng body guards nang walang certificate of authority.
Base aniya sa inisyal na imbestigasyon, walang “proper coordination” ang grupo ni Ka Leody sa pagpunta sa plantasyon na inaangkin ng mga katutubo na mayroon nang nakabinbing kaso.
Tiniyak naman ni Alba na magsasagawa nang mas malalim na imbestigasyon ang PNP sa insidente upang mapanagot ang sinumang dapat managot.