Muling nagpaalala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga kababayan nating sasamantalahin ang long weekend at uuwi sa kanilang mga probinsya para doon gunitain ang Undas.
Payo ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na ibilin ang kanilang tahanan sa pinagkakatiwalaang kapitbahay at sa barangay.
Sa pamamagitan aniya nito ay makakaiwas sa mga akyat-bahay at mabiktima ng magnanakaw.
Una nang sinabi ng PNP na itataas nila ang kanilang status sa full alert ngayong long weekend kung saan nasa 25,000 hanggang 26,000 ang ipakakalat nilang mga tauhan sa buong bansa upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Matatandaang idineklara ng Malakanyang na Special non-working holiday ang Oct. 31, Lunes para bigyan ng sapat na panahon ang ating mga kababayan kasabay na rin ng paggunita sa todos los santos.