
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay laban sa mga pekeng donation drive matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon kay Acting PNP Chief PLTGEN. Jose Melencio Nartatez Jr., layon ng hakbang na matiyak na ang tulong ay makakarating sa mga tunay na nasalanta ng kalamidad.
Pinayuhan ng PNP ang publiko na maging maingat at siguraduhing lehitimo ang mga organisasyong kanilang pinapadalhan ng donasyon.
Dapat din aniyang suriin ang official announcements, i-verify ang social media pages at bank accounts, at iwasan ang pagpapadala sa mga personal accounts na kahina-hinala.
Kasunod nito, inatasan na rin ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na mahigpit na bantayan ang social media, websites, at e-wallet transactions upang matukoy at mahuli ang mga scammer na nananamantala sa kabutihan ng publiko.









