PNP, nagpaliwanag kung bakit hindi pa tuluyang nasisibak sa pwesto ang pulis na dawit sa panunutok ng baril sa isang bar sa QC

Hinihintay na lamang ng Philippine National Police (PNP) ang desisyon ng National Police Commission kaugnay ng inihaing apela ni PLt. Col. Mark Julio Abong.

Si Abong ang pulis na walang habas na nagpaputok ng baril, nanakit at nagbanta pa sa waiter ng isang bar sa Quezon City noong Linggo, Nobyembre 26.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, may inilabas nang dismissal order noon ang Quezon City People’s Law Enforcement Board laban kay Abong subalit umapela ito sa NAPOLCOM.


Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkakasangkot ni Abong sa insidente ng hit and run noong isang taon na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng iba pa.

Gayunman, sinabi ni Fajardo na dahil sa panibagong kaso na ito ni Abong, tiyak na wala na itong lusot dahil sa panibagong kasong administratibo at kriminal na kaniyang kahaharapin.

Bukod kasi sa Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty, Conduct Unbecoming and Officer, Reckless Imprudence resulting in Homicide, nahaharap ngayon si Abong sa Alarm and Scandal, Illegal Discharge of Firearm, Slander at Physical Injury dahil sa huli nitong kinasangkutang insidente.

Facebook Comments