Laking pasasalamat ng Philippine National Police (PNP) sa mga labor groups na mapayapang nagsagawa ng kilos protesta kasabay ng araw ng paggawa.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo bago pa man dumating ang Mayo uno nakipagpulong na sila sa mga lider ng mga militanteng grupo upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang kanilang demonstrasyon.
Ani Fajardo, hinayaan lamang nila ang mga ito na magpahayag ng kanilang saloobin basta’t walang nalalabag na batas.
Hindi na rin aniya nila hiningan pa ng permit ang mga ito basta’t sa mga freedom park lamang magkikilos protesta.
Base sa datos nasa 2,000 militante ang nagrally sa Mendiola habang may mga pagkilos ding naitala sa CALABARZON, Central Luzon at Region 7.
Samantala, upang maibsan ang init nagbigay din sila ng tubig sa mga pulis na nakatalaga sa rally.
Mayroon din aniyang naka standby na medical team para kung saka sakaling kailanganin ay mabilis itong makakaresponde.