Kasunod ng nangyaring pagpapasabog ng pampasaherong bus sa Tacurong City kahapon ng umaga, mariing kinokondena ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing pag-atake kung saan isa ang napaulat na nasawi habang 11 naman ang sugatan.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., dahil dito inilagay na ang buong Sultan Kudarat Province sa mas mahigpit na seguridad.
Ani Azurin, nagsasagawa na ngayon ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng hot pursuit operations laban sa mga nasa likod ng pagpapasabog.
Agad aniyang dumating ang mga pulis sa crime scene kung saan dinala sa pagamutan ang mga sugatan at sinecure ang lugar.
Nandoon na rin aniya ang Police Explosive Ordnance Disposal responders para magsagawa ng post-blast investigation at upang tiyakin na wala nang banta nang susunod pang pagsabog.
Paliwanag ni Azurin, masyado pang maaga para gumawa ng kongklusyon hinggil sa motibo at kung sino ang nasa likod nito.
Kasunod nito, siniguro ng PNP sa mga kababayan natin sa Central Mindanao na papanagutin ang sinumang indibidwal o grupo ang gumawa nang naturang krimen.