Humingi na ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC) para ma-trace ang pinanggalingan ng perang ibinayad umano sa self-confessed gunman na si Joel Escorial na pumatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, hawak na ng PNP ang passbook ni Escorial at nagbigay na rin ito ng go signal para masuri ang kaniyang financial transactions.
Sinabi ni pa ni Fajardo na kapag natukoy na ang pinanggalingan ng pera ay kailangan ng PNP na maghain ng petisyon sa korte upang payagan ang bangko na magbigay ng detalye ng iba pang bank account na ginamit sa transaksyon.
Paliwanag pa nito na ang financial investigation ay makatutulong sa pag-corroborate ng testimonya ng self-confessed gunman at iba pang testigo maging sa pag-iimbestiga ng PNP para matunton ang posibleng mastermind sa krimen.
Matatandaang sa pagsuko ni Escorial sa mga pulis ay sinabi nitong may kumontak sa kanilang grupo mula sa Bilibid para ipatumba si Lapid.
Pagkatapos aniya ng krimen, binigyan silang anim ng P550,000, kung saan P140,000 umano ang pumasok sa kaniyang bank account.