Nagpasalamat ang Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suporta sa kanilang Capability Enhancement Program.
Sa Post State of the Nation Address (SONA) Discussion kahapon, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Red Maranan na isinusulong ng PNP ang pag-upgrade ng kanilang kasanayan at kagamitan para mapahusay ang kanilang “move, shoot, communicate and investigate capabilities”.
Iniulat ni Maranan na sa kanilang move capability o pagkuha ng mga sasakyan, 54% ng target ang nakamit nila sa taong ito.
Habang sa shoot capability o pagkuha ng mga armas ay 99% ng target ang kanilang nakamit, 64% naman sa communicate capability at 52% sa investigative capability.
Bukod dito, nakapagtayo din aniya ang PNP ng 140 proyektong pang imprastraktura na karamihan ay mga istasyon ng pulis sa mga liblib na lugar.
Dahil dito ay mas mahusay na ang kakayahan ng PNP na gampanan ang kanilang mandato bilang taga pagpatupad ng batas.