PNP, nagpatupad muli ng reshuffling kasunod ng pagreretiro ng ilan sa mga opisyal nito

Muling nagkaroon ng balasahan sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagreretiro ng ilan pang opisyal nito.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Ysmael Yu, itinalaga ni PNP Chief Police General Camilo Cascolan si Police Major General Ephraim Dickson na pangunahan ang PNP Civil Security Group kapalit ni Police Major General Roberto Fajardo na magreretiro na ngayong araw.

Papalit naman kay Dickson bilang Director for Integrated Police Operations-Visayas si Police Brigadier General Manuel Abu na hepe ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na pamumunuan na ngayon ni Police Brigadier General Samuel Rodriguez.


Pamumunuan naman ni Police Brigadier General Daniel Mayoni na mula sa Directorate for Police Community Relations ang Information Technology Management Service na hinawakan ni Rodriguez.

Habang si Police Brigadier General Julius Lagiwid ang magiging Deputy Director for Police Community Relations kung saan magiging executive officer nito si Police Colonel Eric Noble.

Ang lahat ng assignment ng mga nabanggit na opisyal ay epektibo na ngayong araw ng Biyernes, September 18, 2020.

Facebook Comments