Dahil sa inaasahang pagtama ng Bagyong Ofel sa Cagayan Valley, inilikas na ng Police Regional Office 2 ang ilan nating mga kababayan.
Sa katunayan, kahapon nagsagawa ang PRO 2 ng force evacuation sa mga residente ng Barangay Baccuit at Bauan, sa Amulung, Cagayan bilang preventive measure.
Sa inisyal na datos ng Philippine National Police (PNP), nasa 11 pamilya o katumbas ng 31 mga indibidwal ang pansamantalang dinala sa mga evacuation center.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang ginagawang paglilikas sa mga apektadong residente dahil posibleng mamayang gabi mag-landfall ang bagyo sa Cagayan.
Samantala, katuwang ng Amulung Police Station ang BFP Amulung at MDRRMO sa paglilikas ng ating mga kababayan na nakatira sa mga tinaguriang high risk areas.
Kaugnay nito, narating na ng pulisya ang isolated barangay Dassun sa Cagayan na matinding hinagupit nang magkakasunod na bagyo.
Agad namang pinagkalooban ng family food packs ang mga apektadong residente.