Nakapaghain na ng patong-patong na kaso ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal na nanakit sa mga pulis sa protesta sa Mendiola noong Sabado kaugnay ng Bonifacio Day.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PNP-PIO) Chief Brigadier General Jean Fajardo, isa ang naaresto habang at-large naman ang lider ng Kilusan Mayo Uno.
Kabilang din sa sinampahan ng kaso ang ilang John Does.
Mga kasong paglabag sa BP 880 dahil sa kawalan ng permit na mag-rally sa Mendiola ang isinampa maliban pa sa kasong direct assault at disobedience to a person in authority.
Sinabi ni Fajardo, walong pulis ang nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Iginiit ng opisyal na hindi sila papayag na walang mapanagot sa insidente.
Maliban kasi sa pananakit sa mga pulis ninakaw pa ang body worn camera ng isang pulis na hanggang ngayon ay hindi pa rin nare-recover.