PNP, nagsampa ng panibagong reklamo laban sa umano’y Chinese spy na nahuli sa Makati

Matapos ang ginawang masusing review sa mga gamit na nakumpiska, naghain ng panibagong reklamo ang Philippine National Police (PNP) sa hinihinalang Chinese spy na naaresto noon sa Makati City.

Isinampa kahapon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang reklamong “illegal interception’ at ‘’misuse of devices’’ na paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012’ laban sa Chinese.

Isinampa ang reklamo sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City.


Matatandaang kasama sa mga ebidensya na nakuha laban sa Chinese ay ang libo-libong mga kahina-hinalang larawan, video at audio sa cellphone nito.

Maliban dito, may nakita ring mga kahina-hinalang applications, data base, call logs, at file documents sa Chinese na posibleng nakuha gamit ang IMSI-catcher.

Ayon sa CIDG, ang IMSI catcher ay uri ng interceptor device na ginagamit para makakuha ng mga sensitibong impormasyon mula sa cellphone user at posibleng magamit din sa iligal na aktibidad.

Bago nito, una nang nasampahan ng reklamo ang Chinese na naaresto noong Mayo dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 or the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments